Saturday, September 28, 2013

Lost and Found

I've been worrying so much about these notebooks that I lost last Wednesday during the pre-enrollment. I tried to search but was not able to find them. Just this Friday, in my Law class, my professor suddenly remembered something while we were talking (my sit is just in front of her table). I was wondering what it was (why the sudden), and then she showed me two thin notebooks. I asked her how she found it, and then she told me that a student approached her and asked if she knew the owner. My departmental exam paper where my prof's name was written was with the notebooks, so the student was able to give them to Ma'am Macon.

Thank you, Lord. I thought I would rewrite my notes again.



  
[Wednesday, September 25, 2013] I left the house early in the morning to get myself pre-enrolled for the second semester. The queue was not long yet; I could count the heads easily. Few hours later, the number increased, and the place got noisy. The associate dean unlocked the door, and whispered that the enrollment for our year level would begin in a few hours. Only to found out that the dean already decided that it will start 1 p.m.—five hours to wait!

We're dead. Students couldn't contain their disappointment and gone outraged. I was disgusted with the management, but we couldn't do anything.

Brains started to work! Some students tried to control the crowd. Suggestions were raised regarding the assignment of numbers to students to ease the process, but it was rejected. We waited for the management's decision (wishing they might consider our side) but nothing came. So, we waited until I had to attend a class because I had to do a report. The one-hour discussion was so long. I rushed to the 10th floor. Unfortunately, the pre-enrollment was already cut-off.  

There are several students who were hoping to get inside, but the door was closed already. My friends who were inside the pre-enrollment hall were talking with some authority to allow us to be admitted inside. We lost hope, but no, I was able to open the door and entered secretly. Students who saw me entered as well. Some student assistants saw us (but they could hardly identify us), and asked to voluntary exit ourselves. I was guilty but I chose to remain. I waited for the final decision of the management and was admitted after all.

It was already five when my friends and I were all enrolled.

Monday, September 23, 2013

Linya

Dalawang musmos sa daan ay nagtatampisaw
Lumulundag-lundag sa maputik na daanan
Hindi alintana ang lakas ng buhos ng ulan
Malayang naglalaro at tila sumasayaw-sayaw.
Dalawang mag-aaral sa klase ay nagtatagisan
Nagtatanungan sa maingay na silid-aralan
Hindi alintana ang mga kamag-aral na nagtatakbuhan
Malayang nagpapalitan ng mga kaalaman.
Dalawang kabataan sa bangkito’y magkatabi
Nagkakahiyaan sa natatanging sandali
Ngunit may lihim na saya sa bawat isa
At may pusong lumulundag-lundag sa kaba.
Dalawang kabataan sa liham ay nag-uusap
Nagkukuwentuhan ng mga pangyayari sa buhay
Sa mga mabubulaklak na mga salita ay
Tila may pagmamahalang langkap.
Dalawang pusong sa lilim ng mangga nagkikita
Nag-uusap at nagkakantahan ng buong pagsinta
Sa saliw ng tugtugin ng binatang galak na galak
Ay dalagang sumasayaw at umiindak-indak.
Sa panahong nagdaaan, ang punong mangga ay nagbunga
Ng pagmamahalang tunay, dalisay at walang kapantay
Dalawang puso ang pinagbigkis at ngayo’y iisa na
Isang kuwento ng pagmamahalang puno ng kulay.

Saturday, September 21, 2013

Inakay

         Ilang araw nang hindi kumakain si Henry. Ang kanyang patpating katawan ay tila ba kawayang kaya nang tangayin ng hangin. Hindi na niya kayang ihakbang pa ang kanyang mga paa sapagkat ang gutom na nagpasisiklab ng kanyang sikmura’t damdamin ay gumapang sa kanyang buong katawan. Sa pagkakatindig ay tila ba lahat ng pag-asa at liwanag ay inangkin na ng kawalan. Kawawang Henry, ang matalino at masipag na anak ni Kapitan Zendenia,  ay pinagsakloban ng langit at lupa.

***
Ginising siya ng malamig na ihip ng hangin. Tanging ang ilaw lang ng gasera ang nakikita niya. Mababanaag sa kanyang mukha ang lungkot at kasawian. Kasabay ng pagpatak ng ulan ay ang mga patak ng luhang tuyo at paos. Ang araw na nakalipas ang ika-isang daang taon mula nang barilin ang kanyang ama sa harapan ng kanilang bahay. Ang kanyang ina naman ay sumunod ring sumakabilang buhay nang subukan nitong lasunin ang sarili.
Ang ilaw na siya sanang pag-asa ay pinatay ng hangin matapos gumuho ang pader ng kanilang tahanan. Napakalupit nga naman talaga ang tadhana. Bilang isang nag-iisang anak, hindi pa niya kayang buhayin ang sarili. Hindi dahil sa wala siyang utak kundi ang lakas na nagmumula sa kanyang mga magulang ay wala na. Umalingaw-ngaw ang hinagpis ni Henry.

***
Tumila na ang ulan ngunit ang langit ay may badya paring sama ng loob. Ang patak ng ulan ang gumising kay Henry sa kanyang pagkakalugmok sa sahig.
“Henry, nasaan ka. Hoy Henry, nasaan ka,” sigaw ng isang ale habang papasok sa bahay.
Siya si Aling Maring, ang kapatid ng ina ni Henry na nagsilbi nang tagatingin sa kanya. Mahirap lang din ang buhay nina Aling Maring kaya paminsan-minsan lang rin niya nabibigyan si Henry ng makakakain.
“Hay naku Henry umayos ka nga!”
“Hindi ka bubuhayin ng pagmumukmok mo diyan! Halos isang taon na ang nakalipas nang mamatay ang iyong ama, hindi mo pa rin maisip na sinasayang mo lang yang panahon mo. Pagod na ako Henry, ganito nalang ba lagi? Susmaryosep. Hoy!”
Nahimasmasan si Henry sa pagkalakas ba namang sigaw ni Aling Maring. Bumangon ito at kinuha ang isang supot na pansit na ipinatong ng kanyang tiyahin sa maliit na mesa. Hindi na nito nakuhang magmumog pa. Isinubo ang pansit at nang maubos ay napatulala ulit.
Napagod din si Aling Maring sa pagkakatayo nito kaya’t umalis din siya kaagad upang asikasuhin naman ang asawa nitong umagang-umaga palang ang umiinom na ng alak. Bisyo na ni Kuya Imbo ang pag-iinom kahit hirap na hirap na ang asawa nito kung saan kukuha ng pang-araw araw na gastusin.
Bago pa man makaalis si Aling Maring, nagtanong si Henry.
“Tita, ok pa kaya yung uniporme ko sa may cabinet? Papasok ako nitong pasukan.”

***
Masipag at matalinong si Henry. Ilang medalya na rin ang kanyang naipon mula sa pagiging konsistent sa honor roll sa kanilang paaralan. Nagmana siguro sa kanyang ama na matalino rin. Kaya nga ilang taon ding namayagpag ang pangalan ng kanilang pamilya sa politika. ‘Yun lamang na naging sanhi din ito sa kamatayan ng kanyang ama. At hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikilala ang suspek sa pamamaril na iyon.
Magaling na manunulat si Henry. Sa katunayan, isa siya sa mga laging isinasabak sa mga essay content at sari-sari pang paligsahan sa pagsusulat. Ang pinakamataas na nitong nakuhang parangal ay nang nag-uwi siya ng pilak mula sa kanilang dibisyon, nga lamang, tumigil siya sa pag-aaral mula nang mamatay ang kanyang ama. Hindi na pinilit ng kanyang ina na ipagpatuloy pa ang pag-aaral ni Henry. At bago pa man matapos ang Pasko ng nakalipas na taon ay nadatnan na lamang na nakahandusay sa kanilang bahay ang kanyang ina katabi ang kemikal na ginamit sa pagpapakamatay.
Nasa ikatlong taon ng hayskul na sana si Henry kung hindi lamang ito tumigil. Kaya nitong pasukan, papasok siya bilang second year ulit sa Villa Cana High School at yun ay kung itutuloy na nga niya at hindi na magpalit pa ng desisyon.
Kinuha ni Henry ang mga dati niyang uniporme at tumulak sa may balon upang labhan ang kaniyang damit.
“Ok pa naman yan Henry ah, kaunting kuskos lang,” bitaw ng isang ale na naglalaba rin.
Ngunit hindi makaimik si Henry sapagkat wala siyang dalang sabon panlaba. Wala rin naman siyang pambili at ayaw niya ring humingi sa kanyang tiyahin. Umupo si Henry at nag-isip-isip. Nahalata rin siguro ng ale na walang dalang sabon ang bata kaya’y ibinigay nito ang isang piraso ng sabon para man lamang may magamit ang bata. Swerte pa rin si Henry sapagkat may mga nagmamalasakit pa rin sa kanya.

***
Kay bilis lumipas ang mga araw. At sumapit na nga ang araw ng pasukan. Walang baon si Henry ngunit pinilit pa rin nitong pumasok. Kumukuyom ang sikmura nito ngunit malakas ang kanyang loob na pumasok at mag-aral.
Ngunit habang papasok siya sa bungad ng paaralan ay tinalo pa rin siya ng hiya sapagkat hindi na niya kaklase ang kanyang mga kaklase noon at mas bata na ang kanyang mga kaklase ngayon. Nahihiya man, pumasok siya sa silid ng mga second year.
Tahimik si Henry sa pakikinig sa kanyang guro. Hindi siya nagpapatalo sa gutom na kanyang nararamdaman sa tuwing sasapit ang recess o kaya naman ay atakihin siya ng pagkagutom. Mangiyak-iyak ngunit kinakaya niya. Marami namang mababait sa kanyang mga kaklase kaya kung minsan ay binibigyan siya. Tahimik lang si Henry at hindi umiimik. Kahit anong pilit ng kanyang mga kaklase na tanggapin ang kanilang mga ibinibigay, hindi pa rin ito tinatanggap ni Henry.
Ilang araw din na ganun ang mga pangyayari sa loob ng klase. Napansin ito ng kanyang guro.
“Henry halika dito.”
“Ba-kit po ma’am?” mahinang sagot ni Henry.
“Halika dito, may sasabihin lang ako”
Lumapit si Henry at nag-usap sila ng kaniyang guro. Medyo napahaba din ang kanilang pag-uusap. Maraming tinanong ang guro.
“Opo ma’am,” sagot ni Henry sa kanyang guro.
Isang bagong Henry ang sinilang na punong-puno ng pangako at pag-asa.
Mula noon, alas singko pa lamang ng umaga ay gumigising na siya upang pumasok sa paaralan. Mabilis nitong inuubos ang pagkaing bibigay ng kanyang tiyahin, naliligo at mabilis na nagbibihis.
Ito pala ang napag-usapan nila ng kanyang guro: ang maging student-assistant siya at tumulong sa kung ano ang maipag-uutos sa kanya. Hindi na nito inatrasan pa ang deal sapagkat may bente pesos siya araw-araw, sapat na upang may mabili siyang merienda at makabili ng tinapay man lang para sa gabi. Nagsilbi ito upang mabuhayan siya muli at mag-aral ng mabuti.

***
Hindi masyadong mahilig si Henry sa Math. Sa katunayan, Ingles at Filipino ang mga paboritong klase ni Henry. Dito mo siya makikitang tumatayo at nagsasalita sa harap o kaya naman ay nagsusulat sa pisara. Magaling ngang manunulat si Henry. Ito ang minana niya sa kanyang ina na mahilig mangolekta ng mga dyaryo at mga babasahin noong pang nabubuhay ang ina nito. Ito siguro ang naging tung-tungan ni Henry upang magkaroon ito ng interes sa pagsusulat.

***
“Mayroon tayong pagsusulit sa araw na ito. Hindi lang basta-basta pagsusulit ang ibibigay ko sa inyo. Ito ay isang test para sa mga may potensyal at may abilidad sa pagsusulat. Ang mga makukuha sa klase ninyo ay ipapasok sa isang klase ng mga manunulat at dito hahasain pa ang kanilang talento,” mahabang paliwanag ng guro.
Hindi na nagtagal ay nagsimula ang pagsusulit. Makaraan ng ilang araw, hindi na nga kataka-takang nakapasa at nakuha si Henry.
Journalism class ang klaseng kinabilangan ni Henry. Ito ay isang espesyal na klaseng ibinibigay lamang sa mga may potensyal na manunulat sa kanilang paaralan. Mula first year hanggan ika-apat na taon, nagsama-sama ang lahat ng mga estudyanteng napili at hinasa sila ng dalawang buwan.
Habang ginagawa ni Henry ang tungkulin nito bilang isang student-assisstant, pinagbutihan niya ang kanyang pag-aaral nang dumating ang isang assessment para sa mga estudyanteng nakapasok sa journalism class.
Isinabak ang klaseng iyon sa maraming klase ng pagsusulit. Ang buong araw ay ginugol upang matapos lamang ang naturang assessment.
***
Kinabukasan, habang papasok si Henry ay nakita nitong maraming mga mag-aaral ang nagkukumpulan sa tapat ng principal’s office ng kanilang paaralan. Maraming ngiti ang sumalubong sa kanya ngunit hindi pa rin nito maisip kung ano nga ba ang nangyayari. Kinalauna’y hindi na nito natiis at pumunta na nga mismo sa harapan ng principal’s office.
“Ang galing ni Henry!”
“Wow!” sabi naman ng isa.
Habang papalapit si Henry ay nakita na nito ang isang papel na nakapaskil sa announcement board ng paaralan. Ito na nga ang resulta ng pagsusulit na kanyang kinuha kahapon.
“Amino, Asuncion, Binites, Calman, Francisco, Nonez, Nuligan, Paraiso, Pontes....,” kabadong binabasa ang mga nakasulat sa papel.
“Semanta, Zendenia,” may galak na bulong ni Henry sa sarili.
“Zendenia, Henry A.” Ang huling pangalan pala niyang binanggit ay ang sarili niya! Hindi makapaniwalang nakuha nga si Henry. At isasabak siya sa isang paligsahan sa kanilang dibisyon. Punong-puno ng pag-asa, si Henry ay maligayang umuwi upang sabihin sa kanyang tiyahin ang nangyari sa paaralan.

***
Nagpapakain ng alagang baboy si Aling Maring katulong ang anak nitong si Jayson. Nakaupo si Jayson sa silya katabi ang sigarilyo na kanyang ipinatong sa kawayan. Matagal na siyang sinusuway ng ina ngunit hindi pa rin nito itinigil. Ang sigarilyo ay nakaka-adik kaya ito na lamang ang hinahanap-hanap ng katawan ni Jayson.
“Tama na yan Jay! Hindi yan nakatutulong sa’tin. Imbes na tumulong ka dito, yan na naman ang inaatupag mo. Pakibantayan nga itong baboy baka agawan na naman ng mga manok.”
Pumasok si Aling Maring sa kanilang bahay para uminom. Nakita nitong masayang naglalakad papalapit si Henry.
“Anong meron Henry? Wala pa akong nalulutong pagkain,” sabi ni Aling Maring.
“Hindi po, hindi po,” mahinahong sagot ng bata.
“Napili po kasi ako bilang isa sa mga kalahok ng aming paaralan sa Division Schools Press Conference!”  
“Schools Press Conference?” tanong ni Aling Maring.
“O siya siya, good luck na lang Henry.” Nag-iisip si Aling Maring.
“Tttt...ita,” mahinang sagot ni Henry.
Nakaalis na si Aling Maring.
Hindi na natapos ni Henry ang gustong sabihin. Iniisip nito kung saan siya kukuha ng baon para sa DSPC. Malayo din kasi ang paaralan nila sa kagaganapan ng paligsahan. Kaya, tinipid muna ni Henry ang 20 pesos na nakukuha araw-araw mula sa pagiging student asstistant niya.
Samantala, iniisip ni Aling Maring na wala rin lang silbi ang paligsahan na iyon sapagkat hindi rin naman tutuloy si Henry sa kolehiyo. Ngunit si Henry ay maraming pangarap, at gagawin niya ang lahat para makatapos hindi lamang sa hayskul kundi abutin din nito ang pangarap maging guro.

***
Ilang linggo din ang nakalipas. Puspusan ang paghahanda ng Villa Cana sa nalalapit na paligsahan. Araw-araw ay may mga pagsusulit na ibinibigay sa mga estudyante at araw-araw ding may ipinasusulat. Si Henry ay napiling kumatawan sa pagsusulat ng Feature.
Pagsapit ng Oktubre, handa na ang Villa Cana High School.
Kasama ang mga guro’y pumunta ang delegasyon sa kagaganapan ng paligsahan. Tahimik lang ang mga estudyante na tila kabado. Si Henry ay kanakabahan din ngunit alam nitong kakayanin niya at mananalo siya sa paligsahan.
Nakarating na nga sila sa benyu ng paligsahan. Maraming mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan ng kanilang dibisyon ang nagsisidatingan. Pumasok sila sa bulwagan at opisyal na ngang nagsimula ang paligsahan.
Pumasok sa isang silid si Henry kasama ang ilang estudyante na kanyang kalaban. Natapos ni Henry ang pagsusulat sa tamang oras. Agad itong bumalik sa lugar kung saan nandoon ang kanyang mga guro.
“Ano Henry, natapos mo ba,” tanong ng isang guro.
 “Si Henry pa,” sabi namang ng isa.
Naging mas lalong kabado si Henry nang malamang mataas ang tiwala ng mga guro sa kanya kaya umupo na lamang ito at hinintay ang resulta ng paligsahan.
Mag-gagabi na nung matapos ang lahat ng paligsahan. Ilang oras din ang ginugol ng mga hurado para piliin ang mga nanalo sa iba’t ibang salik ng pagsusulat.
Fifth place ang dalawang kasama ni Henry. Ang isa ay third at ang isa naman ay kampeon sa sports writing. Bagamat may ilan sa kanila ang hindi na nabanggit ang pangalan ay masaya pa rin. Si Henry ay hindi makapaniwala nang tawagin ito bilang kampeon sa Feature writing. Tuwang-tuwa si Henry sapagkat naging matagumpay ang kanyang paghihirap. Ang ikalima hanggang sa kampeon ang makukuha para sa Regional Schools Press Conference. Isang malaking karangalan na naman ang kanyang naiuwi at isang bagong pagsubok ang susuungin.
Umuwi si Henry upang ibalita sa kanyang tita ang nangyari sa paligsahan at ang bagong karangalan na kanyang nakamit. Tunay ngang may pag-asa pa rin si Henry upang magkaroon ng bagong buhay. Siya ay nangangarap na magtuloy-tuloy na ang kanyang tagumpay.
Ngunit sa kabilang banda ay babalik na naman si Henry sa kanyang normal na buhay—ang pagiging independente at student-assisstant sa paaralan at ang pag-iisa. Hindi maikakaila ni Henry na lagi siyang nakararamdam ng kalungkutan sapagkat wala na siyang kasamang tumatawa at napagkukuwentuhan ng mga problema at iniisip. Bagaman nandyan lagi ang kanyang tiyahin, hindi gaanong nakapagbubukas ng saloobin si Henry. Kaya pagsapit ng gabi, mahirap nitong nakukuha ang pagtulog sa kaiisip hindi lamang ng gagawin niya kinabukasan kundi nakadadagdag pa kung papaano ulit nitong sisimulan ang lahat. Bumabalik siya sa panahon kung saan buhay pa ang kanyang ama at ina.
Lahat ay pawang kasinungalingan sapagkat hindi na kailanman maibabalik pa ang kanyang mga magulang. Tanging ala-ala nalang nila ang kanyang mapanghahawakan. Para bang bangungot nalang ang natitira at nabura nang lahat ang mga masasayang araw na kanilang pinagsamahan. Kawawang Henry, matagumpay siya sa pag-aaral ngunit wala na siyang magulang na tatapik sa kanyang likod kapag may problema at sasalubong sa kanya ng ngiti kapag may mabuting balita.
Ipinikit ni Henry ang kanyang mga mata habang nakahiga sa kanyang higaan. Tutulo nalamang ang luha sa kanyang mga mata. Wala siyang magawa. Tanging ang iyak ni Henry ang maririnig sa maliit na silid.
Hindi na bago ang bawat umaga. Paulit-ulit lang ang mga nangyayari bukod lamang sa iba’t ibang kaganapan sa paaralan. Pero ganoon pa rin, nag-aaral si Henry at ipinagpapatuloy ang pagsasanay para sa Regionals. Sa susunod na taon pa kasi gaganapin ang paligsahan.
Lumipas ang ilang mga araw, linggo at buwan. Sumapit ang Pasko at ang Bagong Taon. May kaunting salo-salo kina Aling Maring. Ang kalungkutan ni Henry ay natakpan ng kasiyahang hatid ng Pasko. May mga bagong pangarap na nabuo at ito ang magiging sandalan ni Henry sa bagong taon.
Gustong sumigaw ni Henry. Gusto niyang mapaos sa kasisigaw. Gusto niyang iwaksi ang kalungkutan nito. Gusto niyang maging maligaya muli. Gusto niyang mapagtagumpayan ang mga pagsubok ng kanyang buhay.
Mabilis na naubos ang mga oras ng unang araw ng taon. Parang kailan lang. Tuloy na naman ang klase ng mga paaralan sa susunod na mga araw.
“Henry! Tanghali na’t lahat-lahat, wala pa ring balak magising ng batang ito. Uy, Henry, may kaunting pagkain pang natira mula kagabi, tara, gusto ka ng mga pinsan mong makasama sa hapagkainan.
Kung sana buhay pa si Nardo at ang iyong ina, mas masaya na naman siguro. May regalo kang bubuksan, kahit tapos na ang Pasko. May bago kang damit o kaya gamit. Syempre, libro na naman ang ibibigay ng nanay mo. Naaalala mo pa ba yung laruang ibinigay ng papa mo? ‘Yung ibinigay mo lang kay Jayson kasi ‘di mo trip. Kaya simula nun di ka na nireregaluhan ng kung ano-ano ng papa mo. Damit, sumbrero, panyo, pabango, ano pa ba? Ahhh, ‘yung damit na Voltez-V pa pala, kala ko mahilig ka sa cartoon. Aba akalain mo, ayaw mo pala. Ang kulit mo talaga noon. Ilang taon na ang nagdaan buhat ng mga pangyayaring iyon pero naaalala ko pa. ‘Di ko nga alam kung limot mo na lahat ang mga iyon.
Hal-laka! Uy, Gising na, uy. Ang dami ko nang nasabi.”
Walang imik si Henry. Umalis na ang kanyang tiyahin na napaos sa pagkadami-daming mga bagay na nasabi nito.
Ang malamig na hangin ang humaplos kay Henry. Ang ihip nito ay nagmumula sa punong acacia na malapit sa kwarto nito. Hindi alintana ni Henry ang lamig na kumukurot sa kanyang katawan. Ni ang huni ng mga ibon ay hindi kaganda-ganda sa kanyang pagkakarinig. Ni ang ungol ng mga baboy na alaga ng kanyang tiyahin ay baliwala lamang. Ni ang tagiktik ng mga puno sa bawat ihip ay wala lang sa kanya. Ang kanyang katawan ay pagod mula sa araw na nagdaan. Ang mga bagong pangarap na kanyang binuo kagabi ay kanyang pangangatawanan at kanyang unti-unting aabutin.
Hawak-hawak niya ang isang kuwaderno at lapis.
“Ito ang Aking Tahanan.” Tila isang pamagat.
Ano nga kaya ang kanyang isusulat?

***




Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5.




Para Kay Jordan

Bunso, naaalala mo pa ba ang huling araw nang magkita tayo?

Hinatid mo ako sa airport at binigyan mo ako ng isang malaking yakap, samantalang tanging tapik lang ang naibigay ko sa’yo.  Mula noon ay hanggang chat o tawag nalang ang naging paraan natin upang masabi ang mga nangyayari sa kanya-kanya nating mundo. Malaki ang tiwala ko sa iyo at balang araw ay makakamit mo rin ang iyong mga pangarap. Paunti-paunti—huwag mong madaliin—at iyong alalahanin ang bawat leksyon sa bawat paghakbang mo. Bata pa man ay kinakitaan na kita ng kasipagan. Nasa kolehiyo ako noon at ikaw naman ay nasa unang baiting pa lamang. Nakatututuwa ano, halos dalawampung taon ang pagitan natin, ni hindi mo nga na-enjoy ang pakikisama ng isang kuya. Hindi rin ako sigurado kung may naaalala kang araw na sinamahan kita sa paglalaro mo o kaya naman ay tinuruan kitang bumilang at sumulat. Wala. Oo, wala kang maaalala sapagkat ang mga pagkakataong ganoon ay hindi ko naibigay sa’yo. Sa tingin ko, hindi ako naging isang mabuting kuya sa’yo, ngunit ano ang isinumbat mo sa lahat ng mga pagkukulang na iyon? Sa bawat pag-uwi ko galing sa trabaho ay ipinapakita mo ang mga matataas mong pagsusulit at magaganda mong guhit. Doon ko natanto na kahit sa kabila ng pagiging abala ko sa sarili kong buhay ay pilit mong inilapit ang sarili mo sa akin. Hindi ka nahiyang sabihin na ‘kuya, ako ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa aming klase.’ At lagi mo ring ipinagmamalaki ang mga guhit mo na mula sa dugo at kakayahang natutuhan mo sa pagguhit sa mga pahina ng mga kuwadernong iyong ginagamit. Ang mga sandaling iyon ang nagpalambot ng aking puso. Hindi mo tinanggal ang pagiging isang kuya ko sa iyo.

Siguro, hindi mo makakalimutan ang paghataw ko ng walis sa’yo. Naaalala mo pa ba nang utusan kitang magwalis sa likod ng bahay ngunit isang makunat na iling lang ang isinagot mo sa akin. Hindi ko nakontrol ang sarili ko at naging biktima ka ng emosyong napakawalan. Napakasama ko bang kuya? Ang alaalang ito ay kumukurot pa rin ba sa puso mo? Pasensiya na, bunso.

Lumaki kang malayo sa kuya mo. Ni tanging panahon ko nga upang turuan kang maggitara o kaya naman mag-drums ay di ko naibigay. Ngunit hangang-hanga ako sa pagpapakita ng kagustuhan mong matuto. Kinuha mo ang gitara at tinuruan mo ang iyong sarili kung paano tumugtog. Pinanood mong maigi ang bawat diin ng mga daliri sa gitara at sa ilang taon ay pilit mong ikinabisa ang mga chords mula sa mga libro. Unti-unti mong natutuhan hanggang sa nakapagsulat ka na rin ng sarili mong kanta.

Bukod sa mga nasabi ko ay wala na akong maalala. Tanging ang kabaitan mo ang naipinta sa puso ko. Naging mas mabait ka pa ngang kapatid sa akin. Ibinibigay mo ang sobra mong bag kapag nakikita mong medyo butas na ang akin. Ibinibigay mo ang isa mo pang sapatos kapag nakikita mong pasira na ang akin. At binibigyan mo rin ako ng T-shirt kahit hindi ko naman kinakailangan. Nag-aaral ka samantalang ako ay nagtratrabaho para sa aking sariling pamilya. Hindi kataka-takang naging mas mabuti kang kapatid sa akin.

Nasa kolehiyo ka na at alam kong pinagdaraan mo na rin ang mga panahong napagdaanan ko na. Ngunit tiwala akong mas magiging matayog ang maabot mo. Tiwala akong magiging mas maganda ang kinabukasan mo dahil mayroon kang magandang pundasyon at iyon ay ang mga natutuhan mo nang maliit ka pa, nang tumuntong ka ng elementarya at hayskul. Sigurado akong mas marami ka nanamang natutuhan sa pag-apak mo sa malawak, liko-liko, at lubak-lubak na kalsada ng pagiging kolehiyo. Tandaan mong ang mga pagsubok ay pana-panahon lang at sila’y lilipas din. May mga bago at may maluluma. Huwag mong hayaan malugmok ka sa isang lugar, gumalaw ka ayon sa panahon at laging maging handa. Ngunit lagi mong tatandaan na hindi ka nag-iisa. May mga kasama ka, may pamilya ka, may inner-self ka, at higit sa lahat may Diyos ka. Kung naguguluhan ka, magninilay-nilay ka. Gamitin mo ang ganda ng kalikasan, marami itong hatid na leksyon sa buhay. Tulad ng mga ibon, hindi ba’t kay ganda nilang pagmasdan? Ang paghele ng hangin sa mga puno, hindi ba’t nakagagaan ng pakiramdam? Maging tao ka, bunso. Namnamin ang tamis at pait ng buhay sapagkat ito ang tunay na kahulugan ng ating existence sa mundong ibabaw.

Ilang taon na nga bang hindi kita nakikita? Kay tagal na ano. Parang kailan lang nung maliit ka pa. At siya nga pala, lumaki ka na nga ba? Ha ha ha. Dugtong ko lang sa mga sinabi ko, ang buhay ay punung-puno ng mga paghamon. Maging aktibo sa paggamit at paghahanap ng tamang impormasyon. Oo, mahalagang matutuhan mong pumili at tumimbang ng mga impormasyong kakailanganin mo. Nandyan ang Twitter, Facebook, radyo, telebisyon at mga pahayagan na magbibigay na samu’t saring impormasyon. Huwag kang pabubulag dahil ang maling impormasyon ang maglalagay sa’yo sa panganib at kapahamakan. Alam mo namang hindi lahat ay mahalaga. Timbangin mo ang mga bagay bagay at gamitin ang mga ito sa wastong paraan.

Maraming “namamatay” dahil sa kawalan ng impormasyon. Hayaan mong bigyan kita ng isang halimbawa.

            Umalis ang mga magulang mo ng walang paalam. Hindi ka nabigyan ng pera at alam nilang wala kang pera. Tanghali na at gutom na gutom ka na. Dahil sa sakit ng loob at galit ay nagmukmok ka na lamang sa kuwarto mo. Pagdating ng mga magulang mo ay pinagalitan mo sila at sabi ng magulang mo, “Maraming pagkain sa ref, anak.”

Nakuha mo ba ang ibig kong sabihin? Minsan, nandiyan ang kinakailangan natin ngunit tamad lang tayo sa paghahanap. Wala tayong motibasyong gumalaw, o sa madaling sabi, tamad tayo.

At huli, hanapin mo ang inspirasyon mo, sapagkat ang inspirasyon mong iyan ang magtutulak sa iyong maging mas mabuti pang mamamayan, iyan ang magtutulak sa iyong gawin ang mga kinakailangan mong gawin, iyan ang magtutulak sa’yo na magpursigi at mangarap pa. Ang inspirasyon ay inspirasyon, hindi puwing at hindi baka-ganito. Ito ang magiging pinakamalapit sa puso mo. Ingatan at alagaan mo ito. At higit sa lahat maging inspirasyon ka sa ibang tao. Walang silbi ang katalinuhan at kayamanan kung dusa ka sa iba at kung pasakit ka sa kanila. Huwag na huwag mong hayaan na masira ang relasyon mo sa ibang tao.

Bunso, tanging mga payo nalang ang maibibigay ko sa’yo. Hindi kita matatapik sa likod dahil nasa malayong lugar ako. Proud na proud sina mama at papa saiyo at gawin mo silang mas proud pa. Huwag kang maging pasakit sa kanila at intindihin mo sila kung minsan ay hindi mo makuha ang gusto nila. Matanda na sila at mas lalong kinakailangan nila ng pag-iintindi at pansin. Malayo kaming mga kapatid mo sainyo kaya ipinapaalala ko ang mga ito sa’yo, at sana maalala mo ang huling tapik ko sa iyong balikat. Isipin mong isang tapik muli ito galing sa akin. Ingatan mo ang sarili mo, at magpatangkad ka pa. Magkikita-kita rin tayo sa panahong inihanda ng Maykapal.

Panalangin ko na mapagtagumpayan mo ang buhay mo. Ingatan mo ang sarili mo palagi.


—Kuya Jeff

***
Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5.



Kape at Pandesal

Minahal kita sa bawat araw ng paglaki mo
Ang halakhak at ngiti sa iyong mukha ang kasiyahan ko
Kahit napupuyat at pagod na pagod sa katitingin sa’yo
Tiniis kong lahat dahil ikaw ay mahal ko.

Lumaki ka at natutong humakbang sa sariling paa
Gumaling sa pagtakbo at naging mas madaldal pa
Saksi ako sa paglaki mo, aking anak
Sa akin, isa kang bituin na humahalakhak.

Pumasok ka sa paaralan at natutong bumasa
Natutong bumilang, sumulat, at tumula
Talino at talento mo ay aking ipinagmamalaki
Nakatutuwang isipin, kay bilis ng iyong paglaki.

Dahil sa hirap ng buhay, pinili kong mangibang-bansa
Nakipagsapalaran upang sa gayon ay mapag-aral ka
Ito ay iyong sinang-ayunan habang tayo ay umiiyak
“Isa kang matalinong bata,” sambit ko, “huwag magpabaya anak.”

Bawat lingo, nagkukuwentuhan at nagtatanungan tayo
Ikaw ay nasa kolehiyo na, panaho'y tila nagbibiro
Ang hirap na pinagdadaanan natin ay lilipas din
Ilang taon na lang at gragraduate ka na rin.

Kahanga-hanga ka aking anak, hindi mo winaldas
Ang mga pagkakataon at panahong kay bilis lumipas
Ako’y tuwang-tuwa bagaman malungkot din
Sa tagal ng panahong hindi kita nakapiling.

Pasensya na anak, kaunting tiis na lang
Isang buwan at mahigit pa ang aking binibilang
Sa kabila ng ilang taong hanggang  sa telepono lang tayo
Ako’y maka-uuwi na rin at makakapiling mo.

Ikaw ang aking pamilya, walang katumbas na halaga
Sa’yo gugugulin ang panahon habang malakas pa
Sa pag-uwi ko, tanging hiling ko ay kape at pandesal
At tayo’y mananalangin at magpapasalamat sa Maykapal.

***

Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5.




Wednesday, September 11, 2013

Love Story

Juliet was angry she would slap his face
Now Romeo was dumbfounded and all red
She ran hastily, so much outraged
Poor Romeo, he got to do the chase
 He overtook and hugged his running love
 She waggled, cried and shouted so loud
"Romeo, you don’t need to be so proud!
Need not to tell your friends what we have!”
Romeo knew Juliet only misunderstood
That what he meant was without any malice
But he understood he should make a promise
Not to tell anymore when he is with his brood.
Juliet stopped and realized the drama she made
Hugged Romeo tightly and whispered her sorry
"Love," she said, "I want to go to that tree
And let’s sing our songs under its shade.