Ilang
araw nang hindi kumakain si Henry. Ang kanyang patpating katawan ay tila ba kawayang kaya nang tangayin ng hangin. Hindi na niya kayang ihakbang pa ang
kanyang mga paa sapagkat ang gutom na nagpasisiklab ng kanyang sikmura’t
damdamin ay gumapang sa kanyang buong katawan. Sa pagkakatindig ay tila ba
lahat ng pag-asa at liwanag ay inangkin na ng kawalan. Kawawang Henry, ang
matalino at masipag na anak ni Kapitan Zendenia, ay pinagsakloban ng langit at lupa.
***
Ginising
siya ng malamig na ihip ng hangin. Tanging ang ilaw lang ng gasera ang nakikita
niya. Mababanaag sa kanyang mukha ang lungkot at kasawian. Kasabay ng pagpatak
ng ulan ay ang mga patak ng luhang tuyo at paos. Ang araw na nakalipas ang
ika-isang daang taon mula nang barilin ang kanyang ama sa harapan ng kanilang
bahay. Ang kanyang ina naman ay sumunod ring sumakabilang buhay nang subukan
nitong lasunin ang sarili.
Ang
ilaw na siya sanang pag-asa ay pinatay ng hangin matapos gumuho ang pader ng
kanilang tahanan. Napakalupit nga naman talaga ang tadhana. Bilang isang
nag-iisang anak, hindi pa niya kayang buhayin ang sarili. Hindi dahil sa wala
siyang utak kundi ang lakas na nagmumula sa kanyang mga magulang ay wala na.
Umalingaw-ngaw ang hinagpis ni Henry.
***
Tumila
na ang ulan ngunit ang langit ay may badya paring sama ng loob. Ang patak ng
ulan ang gumising kay Henry sa kanyang pagkakalugmok sa sahig.
“Henry,
nasaan ka. Hoy Henry, nasaan ka,” sigaw ng isang ale habang papasok sa bahay.
Siya si
Aling Maring, ang kapatid ng ina ni Henry na nagsilbi nang tagatingin sa kanya.
Mahirap lang din ang buhay nina Aling Maring kaya paminsan-minsan lang rin niya
nabibigyan si Henry ng makakakain.
“Hay
naku Henry umayos ka nga!”
“Hindi
ka bubuhayin ng pagmumukmok mo diyan! Halos isang taon na ang nakalipas nang
mamatay ang iyong ama, hindi mo pa rin maisip na sinasayang mo lang yang
panahon mo. Pagod na ako Henry, ganito nalang ba lagi? Susmaryosep. Hoy!”
Nahimasmasan
si Henry sa pagkalakas ba namang sigaw ni Aling Maring. Bumangon ito at
kinuha ang isang supot na pansit na ipinatong ng kanyang tiyahin sa maliit na
mesa. Hindi na nito nakuhang magmumog pa. Isinubo ang pansit at nang maubos ay
napatulala ulit.
Napagod
din si Aling Maring sa pagkakatayo nito kaya’t umalis din siya kaagad upang
asikasuhin naman ang asawa nitong umagang-umaga palang ang umiinom na ng alak.
Bisyo na ni Kuya Imbo ang pag-iinom kahit hirap na hirap na ang asawa nito kung
saan kukuha ng pang-araw araw na gastusin.
Bago pa
man makaalis si Aling Maring, nagtanong si Henry.
“Tita,
ok pa kaya yung uniporme ko sa may cabinet? Papasok ako nitong pasukan.”
***
Masipag
at matalinong si Henry. Ilang medalya na rin ang kanyang naipon mula sa
pagiging konsistent sa honor roll sa kanilang paaralan. Nagmana siguro sa
kanyang ama na matalino rin. Kaya nga ilang taon ding namayagpag ang pangalan
ng kanilang pamilya sa politika. ‘Yun lamang na naging sanhi din ito sa
kamatayan ng kanyang ama. At hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikilala ang
suspek sa pamamaril na iyon.
Magaling
na manunulat si Henry. Sa katunayan, isa siya sa mga laging isinasabak sa mga
essay content at sari-sari pang paligsahan sa pagsusulat. Ang pinakamataas na
nitong nakuhang parangal ay nang nag-uwi siya ng pilak mula sa kanilang
dibisyon, nga lamang, tumigil siya sa pag-aaral mula nang mamatay ang kanyang
ama. Hindi na pinilit ng kanyang ina na ipagpatuloy pa ang pag-aaral ni Henry.
At bago pa man matapos ang Pasko ng nakalipas na taon ay nadatnan na lamang na nakahandusay sa
kanilang bahay ang kanyang ina katabi ang kemikal na ginamit sa pagpapakamatay.
Nasa
ikatlong taon ng hayskul na sana si Henry kung hindi lamang ito tumigil. Kaya
nitong pasukan, papasok siya bilang second year ulit sa Villa Cana High School
at yun ay kung itutuloy na nga niya at hindi na magpalit pa ng desisyon.
Kinuha
ni Henry ang mga dati niyang uniporme at tumulak sa may balon upang labhan ang
kaniyang damit.
“Ok pa
naman yan Henry ah, kaunting kuskos lang,” bitaw ng isang ale na naglalaba rin.
Ngunit
hindi makaimik si Henry sapagkat wala siyang dalang sabon panlaba. Wala rin
naman siyang pambili at ayaw niya ring humingi sa kanyang tiyahin. Umupo si
Henry at nag-isip-isip. Nahalata rin siguro ng ale na walang dalang sabon ang
bata kaya’y ibinigay nito ang isang piraso ng sabon para man lamang may magamit
ang bata. Swerte pa rin si Henry sapagkat may mga nagmamalasakit pa rin sa
kanya.
***
Kay
bilis lumipas ang mga araw. At sumapit na nga ang araw ng pasukan. Walang baon
si Henry ngunit pinilit pa rin nitong pumasok. Kumukuyom ang sikmura nito
ngunit malakas ang kanyang loob na pumasok at mag-aral.
Ngunit habang papasok siya sa bungad ng paaralan ay
tinalo pa rin siya ng hiya sapagkat hindi na niya kaklase ang kanyang mga
kaklase noon at mas bata na ang kanyang mga kaklase ngayon. Nahihiya man, pumasok siya
sa silid ng mga second year.
Tahimik si Henry sa pakikinig sa kanyang guro. Hindi siya nagpapatalo sa gutom na
kanyang nararamdaman sa tuwing sasapit ang recess o kaya naman ay atakihin siya
ng pagkagutom. Mangiyak-iyak ngunit kinakaya niya. Marami namang mababait sa
kanyang mga kaklase kaya kung minsan ay binibigyan siya. Tahimik lang si Henry
at hindi umiimik. Kahit anong pilit ng kanyang mga kaklase na tanggapin ang
kanilang mga ibinibigay, hindi pa rin ito tinatanggap ni Henry.
Ilang
araw din na ganun ang mga pangyayari sa loob ng klase. Napansin ito ng kanyang
guro.
“Henry
halika dito.”
“Ba-kit
po ma’am?” mahinang sagot ni Henry.
“Halika
dito, may sasabihin lang ako”
Lumapit
si Henry at nag-usap sila ng kaniyang guro. Medyo napahaba din ang kanilang
pag-uusap. Maraming tinanong ang guro.
“Opo
ma’am,” sagot ni Henry sa kanyang guro.
Isang
bagong Henry ang sinilang na punong-puno ng pangako at pag-asa.
Mula
noon, alas singko pa lamang ng umaga ay gumigising na siya upang pumasok sa
paaralan. Mabilis nitong inuubos ang pagkaing bibigay ng kanyang tiyahin,
naliligo at mabilis na nagbibihis.
Ito
pala ang napag-usapan nila ng kanyang guro: ang maging student-assistant siya
at tumulong sa kung ano ang maipag-uutos sa kanya. Hindi na nito inatrasan pa
ang deal sapagkat may bente pesos
siya araw-araw, sapat na upang may mabili siyang merienda at makabili ng
tinapay man lang para sa gabi. Nagsilbi ito upang mabuhayan siya muli at
mag-aral ng mabuti.
***
Hindi
masyadong mahilig si Henry sa Math. Sa katunayan, Ingles at Filipino ang mga
paboritong klase ni Henry. Dito mo siya makikitang tumatayo at nagsasalita sa
harap o kaya naman ay nagsusulat sa pisara. Magaling ngang manunulat si Henry.
Ito ang minana niya sa kanyang ina na mahilig mangolekta ng mga dyaryo at mga
babasahin noong pang nabubuhay ang ina nito. Ito siguro ang naging tung-tungan
ni Henry upang magkaroon ito ng interes sa pagsusulat.
***
“Mayroon
tayong pagsusulit sa araw na ito. Hindi lang basta-basta pagsusulit ang
ibibigay ko sa inyo. Ito ay isang test para sa mga may potensyal at may
abilidad sa pagsusulat. Ang mga makukuha sa klase ninyo ay ipapasok sa isang klase ng mga manunulat at dito hahasain pa ang kanilang talento,” mahabang paliwanag
ng guro.
Hindi
na nagtagal ay nagsimula ang pagsusulit. Makaraan ng ilang araw, hindi na nga
kataka-takang nakapasa at nakuha si Henry.
Journalism
class ang klaseng kinabilangan ni Henry. Ito ay isang espesyal na klaseng
ibinibigay lamang sa mga may potensyal na manunulat sa kanilang paaralan. Mula
first year hanggan ika-apat na taon, nagsama-sama ang lahat ng mga estudyanteng
napili at hinasa sila ng dalawang buwan.
Habang
ginagawa ni Henry ang tungkulin nito bilang isang student-assisstant,
pinagbutihan niya ang kanyang pag-aaral nang dumating ang isang assessment para
sa mga estudyanteng nakapasok sa journalism class.
Isinabak
ang klaseng iyon sa maraming klase ng pagsusulit. Ang buong araw ay ginugol
upang matapos lamang ang naturang assessment.
***
Kinabukasan,
habang papasok si Henry ay nakita nitong maraming mga mag-aaral ang
nagkukumpulan sa tapat ng principal’s office ng kanilang paaralan. Maraming
ngiti ang sumalubong sa kanya ngunit hindi pa rin nito maisip kung ano nga ba
ang nangyayari. Kinalauna’y hindi na nito natiis at pumunta na nga mismo sa
harapan ng principal’s office.
“Ang
galing ni Henry!”
“Wow!”
sabi naman ng isa.
Habang
papalapit si Henry ay nakita na nito ang isang papel na nakapaskil sa
announcement board ng paaralan. Ito na nga ang resulta ng pagsusulit na kanyang
kinuha kahapon.
“Amino,
Asuncion, Binites, Calman, Francisco, Nonez, Nuligan, Paraiso, Pontes....,”
kabadong binabasa ang mga nakasulat sa papel.
“Semanta,
Zendenia,” may galak na bulong ni Henry sa sarili.
“Zendenia,
Henry A.” Ang huling pangalan pala niyang binanggit ay ang sarili niya! Hindi
makapaniwalang nakuha nga si Henry. At isasabak siya sa isang paligsahan sa
kanilang dibisyon. Punong-puno ng pag-asa, si Henry ay maligayang umuwi upang
sabihin sa kanyang tiyahin ang nangyari sa paaralan.
***
Nagpapakain
ng alagang baboy si Aling Maring katulong ang anak nitong si Jayson. Nakaupo si
Jayson sa silya katabi ang sigarilyo na kanyang ipinatong sa kawayan. Matagal
na siyang sinusuway ng ina ngunit hindi pa rin nito itinigil. Ang sigarilyo ay
nakaka-adik kaya ito na lamang ang hinahanap-hanap ng katawan ni Jayson.
“Tama
na yan Jay! Hindi yan nakatutulong sa’tin. Imbes na tumulong ka dito, yan na
naman ang inaatupag mo. Pakibantayan nga itong baboy baka agawan na naman ng
mga manok.”
Pumasok
si Aling Maring sa kanilang bahay para uminom. Nakita nitong masayang
naglalakad papalapit si Henry.
“Anong
meron Henry? Wala pa akong nalulutong pagkain,” sabi ni Aling Maring.
“Hindi
po, hindi po,” mahinahong sagot ng bata.
“Napili
po kasi ako bilang isa sa mga kalahok ng aming paaralan sa Division Schools
Press Conference!”
“Schools
Press Conference?” tanong ni Aling Maring.
“O siya
siya, good luck na lang Henry.” Nag-iisip si Aling Maring.
“Tttt...ita,”
mahinang sagot ni Henry.
Nakaalis
na si Aling Maring.
Hindi
na natapos ni Henry ang gustong sabihin. Iniisip nito kung saan siya kukuha ng
baon para sa DSPC. Malayo din kasi ang paaralan nila sa kagaganapan ng
paligsahan. Kaya, tinipid muna ni Henry ang 20 pesos na nakukuha araw-araw mula
sa pagiging student asstistant niya.
Samantala,
iniisip ni Aling Maring na wala rin lang silbi ang paligsahan na iyon sapagkat
hindi rin naman tutuloy si Henry sa kolehiyo. Ngunit si Henry ay maraming
pangarap, at gagawin niya ang lahat para makatapos hindi lamang sa hayskul
kundi abutin din nito ang pangarap maging guro.
***
Ilang
linggo din ang nakalipas. Puspusan ang paghahanda ng Villa Cana sa nalalapit na
paligsahan. Araw-araw ay may mga pagsusulit na ibinibigay sa mga estudyante at
araw-araw ding may ipinasusulat. Si Henry ay napiling kumatawan sa pagsusulat
ng Feature.
Pagsapit
ng Oktubre, handa na ang Villa Cana High School.
Kasama
ang mga guro’y pumunta ang delegasyon sa kagaganapan ng paligsahan. Tahimik
lang ang mga estudyante na tila kabado. Si Henry ay kanakabahan din ngunit alam
nitong kakayanin niya at mananalo siya sa paligsahan.
Nakarating
na nga sila sa benyu ng paligsahan. Maraming mga estudyante mula sa iba’t ibang
paaralan ng kanilang dibisyon ang nagsisidatingan. Pumasok sila sa bulwagan at
opisyal na ngang nagsimula ang paligsahan.
Pumasok
sa isang silid si Henry kasama ang ilang estudyante na kanyang kalaban. Natapos
ni Henry ang pagsusulat sa tamang oras. Agad itong bumalik sa lugar kung saan
nandoon ang kanyang mga guro.
“Ano
Henry, natapos mo ba,” tanong ng isang guro.
“Si Henry pa,” sabi namang ng isa.
Naging
mas lalong kabado si Henry nang malamang mataas ang tiwala ng mga guro sa kanya
kaya umupo na lamang ito at hinintay ang resulta ng paligsahan.
Mag-gagabi
na nung matapos ang lahat ng paligsahan. Ilang oras din ang ginugol ng mga
hurado para piliin ang mga nanalo sa iba’t ibang salik ng pagsusulat.
Fifth
place ang dalawang kasama ni Henry. Ang isa ay third at ang isa naman ay
kampeon sa sports writing. Bagamat may ilan sa kanila ang hindi na nabanggit
ang pangalan ay masaya pa rin. Si Henry ay hindi makapaniwala nang tawagin ito
bilang kampeon sa Feature writing. Tuwang-tuwa si Henry sapagkat naging
matagumpay ang kanyang paghihirap. Ang ikalima hanggang sa kampeon ang makukuha
para sa Regional Schools Press Conference. Isang malaking karangalan na naman
ang kanyang naiuwi at isang bagong pagsubok ang susuungin.
Umuwi
si Henry upang ibalita sa kanyang tita ang nangyari sa paligsahan at ang bagong
karangalan na kanyang nakamit. Tunay ngang may pag-asa pa rin si Henry upang
magkaroon ng bagong buhay. Siya ay nangangarap na magtuloy-tuloy na ang kanyang
tagumpay.
Ngunit
sa kabilang banda ay babalik na naman si Henry sa kanyang normal na buhay—ang
pagiging independente at student-assisstant sa paaralan at ang pag-iisa. Hindi
maikakaila ni Henry na lagi siyang nakararamdam ng kalungkutan sapagkat wala na
siyang kasamang tumatawa at napagkukuwentuhan ng mga problema at iniisip.
Bagaman nandyan lagi ang kanyang tiyahin, hindi gaanong nakapagbubukas ng saloobin
si Henry. Kaya pagsapit ng gabi, mahirap nitong nakukuha ang pagtulog sa
kaiisip hindi lamang ng gagawin niya kinabukasan kundi nakadadagdag pa kung papaano
ulit nitong sisimulan ang lahat. Bumabalik siya sa panahon kung saan buhay pa
ang kanyang ama at ina.
Lahat
ay pawang kasinungalingan sapagkat hindi na kailanman maibabalik pa ang kanyang
mga magulang. Tanging ala-ala nalang nila ang kanyang mapanghahawakan. Para
bang bangungot nalang ang natitira at nabura nang lahat ang mga masasayang araw
na kanilang pinagsamahan. Kawawang Henry, matagumpay siya sa pag-aaral
ngunit wala na siyang magulang na tatapik sa kanyang likod kapag may problema
at sasalubong sa kanya ng ngiti kapag may mabuting balita.
Ipinikit
ni Henry ang kanyang mga mata habang nakahiga sa kanyang higaan. Tutulo
nalamang ang luha sa kanyang mga mata. Wala siyang magawa. Tanging ang iyak ni
Henry ang maririnig sa maliit na silid.
Hindi
na bago ang bawat umaga. Paulit-ulit lang ang mga nangyayari bukod lamang sa
iba’t ibang kaganapan sa paaralan. Pero ganoon pa rin, nag-aaral si Henry at
ipinagpapatuloy ang pagsasanay para sa Regionals. Sa susunod na taon pa kasi
gaganapin ang paligsahan.
Lumipas
ang ilang mga araw, linggo at buwan. Sumapit ang Pasko at ang Bagong Taon. May
kaunting salo-salo kina Aling Maring. Ang kalungkutan ni Henry ay natakpan ng
kasiyahang hatid ng Pasko. May mga bagong pangarap na nabuo at ito
ang magiging sandalan ni Henry sa bagong taon.
Gustong
sumigaw ni Henry. Gusto niyang mapaos sa kasisigaw. Gusto niyang iwaksi ang
kalungkutan nito. Gusto niyang maging maligaya muli. Gusto niyang
mapagtagumpayan ang mga pagsubok ng kanyang buhay.
Mabilis
na naubos ang mga oras ng unang araw ng taon. Parang kailan lang. Tuloy na
naman ang klase ng mga paaralan sa susunod na mga araw.
“Henry!
Tanghali na’t lahat-lahat, wala pa ring balak magising ng batang ito. Uy,
Henry, may kaunting pagkain pang natira mula kagabi, tara, gusto ka ng mga
pinsan mong makasama sa hapagkainan.
Kung
sana buhay pa si Nardo at ang iyong ina, mas masaya na naman siguro. May regalo
kang bubuksan, kahit tapos na ang Pasko. May bago kang damit o kaya gamit.
Syempre, libro na naman ang ibibigay ng nanay mo. Naaalala mo pa ba yung
laruang ibinigay ng papa mo? ‘Yung ibinigay mo lang kay Jayson kasi ‘di mo
trip. Kaya simula nun di ka na nireregaluhan ng kung ano-ano ng papa mo. Damit,
sumbrero, panyo, pabango, ano pa ba? Ahhh, ‘yung damit na Voltez-V pa pala,
kala ko mahilig ka sa cartoon. Aba akalain mo, ayaw mo pala. Ang kulit mo
talaga noon. Ilang taon na ang nagdaan buhat ng mga pangyayaring iyon pero
naaalala ko pa. ‘Di ko nga alam kung limot mo na lahat ang mga iyon.
Hal-laka!
Uy, Gising na, uy. Ang dami ko nang nasabi.”
Walang
imik si Henry. Umalis na ang kanyang tiyahin na napaos sa pagkadami-daming mga
bagay na nasabi nito.
Ang
malamig na hangin ang humaplos kay Henry. Ang ihip nito ay nagmumula sa punong
acacia na malapit sa kwarto nito. Hindi alintana ni Henry ang lamig na
kumukurot sa kanyang katawan. Ni ang huni ng mga ibon ay hindi kaganda-ganda sa
kanyang pagkakarinig. Ni ang ungol ng mga baboy na alaga ng kanyang tiyahin ay
baliwala lamang. Ni ang tagiktik ng mga puno sa bawat ihip ay wala lang sa
kanya. Ang kanyang katawan ay pagod mula sa araw na nagdaan. Ang mga bagong
pangarap na kanyang binuo kagabi ay kanyang pangangatawanan at kanyang
unti-unting aabutin.
Hawak-hawak
niya ang isang kuwaderno at lapis.
“Ito
ang Aking Tahanan.” Tila isang pamagat.
Ano nga
kaya ang kanyang isusulat?
***
Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5.


No comments:
Post a Comment