Bunso, naaalala mo pa
ba ang huling araw nang magkita tayo?
Hinatid mo ako sa
airport at binigyan mo ako ng isang malaking yakap, samantalang tanging tapik
lang ang naibigay ko sa’yo. Mula noon ay
hanggang chat o tawag nalang ang naging paraan natin upang masabi ang mga
nangyayari sa kanya-kanya nating mundo. Malaki ang tiwala ko sa iyo at balang araw
ay makakamit mo rin ang iyong mga pangarap. Paunti-paunti—huwag mong madaliin—at
iyong alalahanin ang bawat leksyon sa bawat paghakbang mo. Bata pa man ay
kinakitaan na kita ng kasipagan. Nasa kolehiyo ako noon at ikaw naman ay nasa
unang baiting pa lamang. Nakatututuwa ano, halos dalawampung taon ang pagitan
natin, ni hindi mo nga na-enjoy ang pakikisama ng isang kuya. Hindi rin ako
sigurado kung may naaalala kang araw na sinamahan kita sa paglalaro mo o kaya
naman ay tinuruan kitang bumilang at sumulat. Wala. Oo, wala kang maaalala
sapagkat ang mga pagkakataong ganoon ay hindi ko naibigay sa’yo. Sa tingin ko,
hindi ako naging isang mabuting kuya sa’yo, ngunit ano ang isinumbat mo sa lahat
ng mga pagkukulang na iyon? Sa bawat pag-uwi ko galing sa trabaho ay
ipinapakita mo ang mga matataas mong pagsusulit at magaganda mong guhit. Doon
ko natanto na kahit sa kabila ng pagiging abala ko sa sarili kong buhay ay pilit
mong inilapit ang sarili mo sa akin. Hindi ka nahiyang sabihin na ‘kuya, ako
ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa aming klase.’ At lagi mo ring
ipinagmamalaki ang mga guhit mo na mula sa dugo at kakayahang natutuhan mo sa
pagguhit sa mga pahina ng mga kuwadernong iyong ginagamit. Ang mga sandaling
iyon ang nagpalambot ng aking puso. Hindi mo tinanggal ang pagiging isang kuya
ko sa iyo.
Siguro, hindi mo
makakalimutan ang paghataw ko ng walis sa’yo. Naaalala mo pa ba nang utusan
kitang magwalis sa likod ng bahay ngunit isang makunat na iling lang ang
isinagot mo sa akin. Hindi ko nakontrol ang sarili ko at naging biktima ka ng emosyong
napakawalan. Napakasama ko bang kuya? Ang alaalang ito ay kumukurot pa rin ba sa
puso mo? Pasensiya na, bunso.
Lumaki kang malayo sa
kuya mo. Ni tanging panahon ko nga upang turuan kang maggitara o kaya naman
mag-drums ay di ko naibigay. Ngunit hangang-hanga ako sa pagpapakita ng
kagustuhan mong matuto. Kinuha mo ang gitara at tinuruan mo ang iyong sarili
kung paano tumugtog. Pinanood mong maigi ang bawat diin ng mga daliri sa gitara
at sa ilang taon ay pilit mong ikinabisa ang mga chords mula sa mga libro. Unti-unti
mong natutuhan hanggang sa nakapagsulat ka na rin ng sarili mong kanta.
Bukod sa mga nasabi ko
ay wala na akong maalala. Tanging ang kabaitan mo ang naipinta sa puso ko.
Naging mas mabait ka pa ngang kapatid sa akin. Ibinibigay mo ang sobra mong bag
kapag nakikita mong medyo butas na ang akin. Ibinibigay mo ang isa mo pang
sapatos kapag nakikita mong pasira na ang akin. At binibigyan mo rin ako ng
T-shirt kahit hindi ko naman kinakailangan. Nag-aaral ka samantalang ako ay
nagtratrabaho para sa aking sariling pamilya. Hindi kataka-takang naging mas
mabuti kang kapatid sa akin.
Nasa kolehiyo ka na at
alam kong pinagdaraan mo na rin ang mga panahong napagdaanan ko na. Ngunit
tiwala akong mas magiging matayog ang maabot mo. Tiwala akong magiging mas
maganda ang kinabukasan mo dahil mayroon kang magandang pundasyon at iyon ay
ang mga natutuhan mo nang maliit ka pa, nang tumuntong ka ng elementarya at
hayskul. Sigurado akong mas marami ka nanamang natutuhan sa pag-apak mo sa
malawak, liko-liko, at lubak-lubak na kalsada ng pagiging kolehiyo. Tandaan mong
ang mga pagsubok ay pana-panahon lang at sila’y lilipas din. May mga bago at
may maluluma. Huwag mong hayaan malugmok ka sa isang lugar, gumalaw ka ayon sa
panahon at laging maging handa. Ngunit lagi mong tatandaan na hindi ka
nag-iisa. May mga kasama ka, may pamilya ka, may inner-self ka, at higit sa
lahat may Diyos ka. Kung naguguluhan ka, magninilay-nilay ka. Gamitin mo ang
ganda ng kalikasan, marami itong hatid na leksyon sa buhay. Tulad ng mga ibon,
hindi ba’t kay ganda nilang pagmasdan? Ang paghele ng hangin sa mga puno, hindi
ba’t nakagagaan ng pakiramdam? Maging tao ka, bunso. Namnamin ang tamis at pait
ng buhay sapagkat ito ang tunay na kahulugan ng ating existence sa mundong
ibabaw.
Ilang taon na nga bang
hindi kita nakikita? Kay tagal na ano. Parang kailan lang nung maliit ka pa. At
siya nga pala, lumaki ka na nga ba? Ha ha ha. Dugtong ko lang sa mga sinabi ko,
ang buhay ay punung-puno ng mga paghamon. Maging aktibo sa paggamit at
paghahanap ng tamang impormasyon. Oo, mahalagang matutuhan mong pumili at
tumimbang ng mga impormasyong kakailanganin mo. Nandyan ang Twitter, Facebook, radyo,
telebisyon at mga pahayagan na magbibigay na samu’t saring impormasyon. Huwag
kang pabubulag dahil ang maling impormasyon ang maglalagay sa’yo sa panganib at
kapahamakan. Alam mo namang hindi lahat ay mahalaga. Timbangin mo ang mga bagay
bagay at gamitin ang mga ito sa wastong paraan.
Maraming “namamatay”
dahil sa kawalan ng impormasyon. Hayaan mong bigyan kita ng isang halimbawa.
Umalis ang mga
magulang mo ng walang paalam. Hindi ka nabigyan ng pera at alam nilang wala
kang pera. Tanghali na at gutom na gutom ka na. Dahil sa sakit ng loob at galit
ay nagmukmok ka na lamang sa kuwarto mo. Pagdating ng mga magulang mo ay
pinagalitan mo sila at sabi ng magulang mo, “Maraming pagkain sa ref, anak.”
Nakuha mo ba ang ibig
kong sabihin? Minsan, nandiyan ang kinakailangan natin ngunit tamad lang tayo
sa paghahanap. Wala tayong motibasyong gumalaw, o sa madaling sabi, tamad tayo.
At huli, hanapin mo ang
inspirasyon mo, sapagkat ang inspirasyon mong iyan ang magtutulak sa iyong
maging mas mabuti pang mamamayan, iyan ang magtutulak sa iyong gawin ang mga
kinakailangan mong gawin, iyan ang magtutulak sa’yo na magpursigi at mangarap
pa. Ang inspirasyon ay inspirasyon, hindi puwing at hindi baka-ganito. Ito ang
magiging pinakamalapit sa puso mo. Ingatan at alagaan mo ito. At higit sa lahat
maging inspirasyon ka sa ibang tao. Walang silbi ang katalinuhan at kayamanan
kung dusa ka sa iba at kung pasakit ka sa kanila. Huwag na huwag mong hayaan na
masira ang relasyon mo sa ibang tao.
Bunso, tanging mga payo
nalang ang maibibigay ko sa’yo. Hindi kita matatapik sa likod dahil nasa
malayong lugar ako. Proud na proud sina mama at papa saiyo at gawin mo silang
mas proud pa. Huwag kang maging pasakit sa kanila at intindihin mo sila kung
minsan ay hindi mo makuha ang gusto nila. Matanda na sila at mas lalong
kinakailangan nila ng pag-iintindi at pansin. Malayo kaming mga kapatid mo sainyo
kaya ipinapaalala ko ang mga ito sa’yo, at sana maalala mo ang huling tapik ko
sa iyong balikat. Isipin mong isang tapik muli ito galing sa akin. Ingatan mo
ang sarili mo, at magpatangkad ka pa. Magkikita-kita rin tayo sa panahong
inihanda ng Maykapal.
Panalangin ko na mapagtagumpayan
mo ang buhay mo. Ingatan mo ang sarili mo palagi.
—Kuya Jeff
***
Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5.


No comments:
Post a Comment