Showing posts with label Tula. Show all posts
Showing posts with label Tula. Show all posts

Monday, September 23, 2013

Linya

Dalawang musmos sa daan ay nagtatampisaw
Lumulundag-lundag sa maputik na daanan
Hindi alintana ang lakas ng buhos ng ulan
Malayang naglalaro at tila sumasayaw-sayaw.
Dalawang mag-aaral sa klase ay nagtatagisan
Nagtatanungan sa maingay na silid-aralan
Hindi alintana ang mga kamag-aral na nagtatakbuhan
Malayang nagpapalitan ng mga kaalaman.
Dalawang kabataan sa bangkito’y magkatabi
Nagkakahiyaan sa natatanging sandali
Ngunit may lihim na saya sa bawat isa
At may pusong lumulundag-lundag sa kaba.
Dalawang kabataan sa liham ay nag-uusap
Nagkukuwentuhan ng mga pangyayari sa buhay
Sa mga mabubulaklak na mga salita ay
Tila may pagmamahalang langkap.
Dalawang pusong sa lilim ng mangga nagkikita
Nag-uusap at nagkakantahan ng buong pagsinta
Sa saliw ng tugtugin ng binatang galak na galak
Ay dalagang sumasayaw at umiindak-indak.
Sa panahong nagdaaan, ang punong mangga ay nagbunga
Ng pagmamahalang tunay, dalisay at walang kapantay
Dalawang puso ang pinagbigkis at ngayo’y iisa na
Isang kuwento ng pagmamahalang puno ng kulay.

Saturday, September 21, 2013

Kape at Pandesal

Minahal kita sa bawat araw ng paglaki mo
Ang halakhak at ngiti sa iyong mukha ang kasiyahan ko
Kahit napupuyat at pagod na pagod sa katitingin sa’yo
Tiniis kong lahat dahil ikaw ay mahal ko.

Lumaki ka at natutong humakbang sa sariling paa
Gumaling sa pagtakbo at naging mas madaldal pa
Saksi ako sa paglaki mo, aking anak
Sa akin, isa kang bituin na humahalakhak.

Pumasok ka sa paaralan at natutong bumasa
Natutong bumilang, sumulat, at tumula
Talino at talento mo ay aking ipinagmamalaki
Nakatutuwang isipin, kay bilis ng iyong paglaki.

Dahil sa hirap ng buhay, pinili kong mangibang-bansa
Nakipagsapalaran upang sa gayon ay mapag-aral ka
Ito ay iyong sinang-ayunan habang tayo ay umiiyak
“Isa kang matalinong bata,” sambit ko, “huwag magpabaya anak.”

Bawat lingo, nagkukuwentuhan at nagtatanungan tayo
Ikaw ay nasa kolehiyo na, panaho'y tila nagbibiro
Ang hirap na pinagdadaanan natin ay lilipas din
Ilang taon na lang at gragraduate ka na rin.

Kahanga-hanga ka aking anak, hindi mo winaldas
Ang mga pagkakataon at panahong kay bilis lumipas
Ako’y tuwang-tuwa bagaman malungkot din
Sa tagal ng panahong hindi kita nakapiling.

Pasensya na anak, kaunting tiis na lang
Isang buwan at mahigit pa ang aking binibilang
Sa kabila ng ilang taong hanggang  sa telepono lang tayo
Ako’y maka-uuwi na rin at makakapiling mo.

Ikaw ang aking pamilya, walang katumbas na halaga
Sa’yo gugugulin ang panahon habang malakas pa
Sa pag-uwi ko, tanging hiling ko ay kape at pandesal
At tayo’y mananalangin at magpapasalamat sa Maykapal.

***

Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5.




Saturday, August 17, 2013

Dugo

Pag-ibig ang nagpapatakbo
Nitong dugong nananalaytay
Ngunit itong pag-ibig ay pilit hinihigop
Ng mundong puno ng karahasan,
Ng taong puno ng kataksilan at
Ng makinaryang puno ng kasakiman-
Unti-unting natutuyot at
Unti-unting nauubos.
Ngunit, habang nandiyan pa sila:
Pamilya at kaibigan,
Nakakausap at nakikinig,
Inspirasyon at tagahanga,
Itong dugong nananalaytay
Ay patuloy na dadaloy at dadalisay
At ang puso’y titibok at aawit
Ng pag-ibig na dudurog
Sa sakit, poot at hinanakit
Sa gutom, pagkauhaw at pagkapagal.
Pag-ibig ang siyang dugo
Ng pusong puno ng pag-ibig.

Thursday, August 15, 2013

Paglalayag

Paglalayag ng Bansang Pilipinas

Libong taon na ang nagdaan nang ang bangkang ating sinasakyan 
ay nagsimulang maglayag. 
Libo-libong alon na ang humaspas ngunit nandito pa rin tayo,
malayang naglalayag. 
Ilang kapitan na rin ang namuno upang sa gayon ay magkaroon pa tayo 
ng mas matibay pang pagkakaisa at pagkakabuklod-buklod. 
Ngunit bakit kaya mayroon pa rin sila
na pilit kinakamkam
ang pagkaing sapat lang para sa ating lahat. 
Bakit sa kabila ng mga turong ating ikinintal at isinapuso sa ating pagkatao
para lang di na mawala pa ay ngayo’y pilit binubura para sa sariling kapakanan,
pilit niyuyurakan ang pagkatao nang sa gayon ay umangat sa mga kasama?
Hindi ba nasa iisang bangka tayo?
At ang balanse ay mahalaga upang tayo ay umusad
at muling sikatan ng araw?
Ano ba ang dapat nating gawin upang gumaan naman ang pasanin
nitong bangkang ating sinasakyan?

Wednesday, June 26, 2013

Sa Panahon at Pangarap

Unti-unting sinukat at tinimbang
Tama nga ba itong daang tinahak
Ang kalangitan ay nagbadya
Itim na mga ulap ay nagkiskisan

Kumulog at di kalaunay umulan
Isang kubo ang lumitaw, lumundag
Sa silong at sumandig sa kahoy
Nagpahinga sa kabila ng kaguluhan

Nagkalituan nang mga daho'y tinangay
Durog na mga bulaklak ang nilipad
Sa kinauupuan, tinignan
Ang kagandahang napukaw

Pinulot at pinagmasdan
Natanto ang panahong winaldas
Pinangarap na muling ibalik
Mga gintong araw na nagdaan

Nakatulog, ginising ng araw
Pisngi'y nag-init, tumayo kalaunan
Natantong may araw pa
May umaga pa, may panahon pa

Itinuloy ang pagtahak
Sa daang tungo sa pinagpalang ilog
Umaga, gabi, nagpursigi
Nakalayo ang mga paang kalyo na

Nagsumikap, ininda ang sakit
Ang gutom at pagal ng panahon
Ngayo'y nasa bughaw na ilog
Lumalangoy, naliligo.

Friday, June 21, 2013
11:09 PM

Wednesday, April 24, 2013

Nana


Isang linggong saya
Lamon
Tulog,
Sabog.

Biglang nagbago ang lahat

Isang linggong pagkayamot
Hapdi
Kirot,
Hinog.

Animoy isang bola sa loob
Matigas, lumalaki,
Isang kending nakabaon
Ngunit mapait pa sa kape

Impeksyon.
Isang maliit na bagay
Ngunit malaki
Sa buhay ng biktima
Nana, hinog na.

Saturday, March 2, 2013

SARDINAS

www.pesoideal.com
Nagsiksikan ang mga hari, kaliwa't kanan
Ininda ang singaw at init ng palalong palasyo
Nasanay na sa bulwagang kanilang kinauupuan
Araw-araw ba namang ito'y parte na ng kanilang estado.

Nagsindi ang amang kanilang pinagkakatiwalaan
Ngunit nang sila ay nauga-uga at naalog-alog
Isang malaking buntung hininga ang isinisi
Nagyabang, nag-ingay, at nagpalitan ng matatalim na tingin.

Hindi nila pinansin ang mabigat na pinapasan
Hinabol ang oras at pati na rin yata pagkalagot
Ng liwanang at saya ng mga naghahari-harian
Sino nga ba ang biktima kundi sila-sila.

Tumulo ang pawis dahil sa masamang hangin sa
Itim na lansangang palaruan ng mga nagbabatak
Ang iba ay responsable, ang iba ay walang pakialam
Huwag sanang mahuli ang lahat.

Sunday, January 27, 2013

Gintong Putik


Ang liwanag na ipinagkait sa mga matang hindi nakakakita
Ay siya ring liwanag na bumubulag sa mga pinagpala
Anong halaga pa ba kung ang daang pinili ay ang daang maluwag
Na patungo sa kasiyahang hilaw, nakasisilaw at nakabubulag.

Ang buhay ng tao ay puno ng kwento at pagsubok
Minsan ay lumilipad, minsan ay nasa lugmok
Ngunit kung ang tiwala at pagsisikap ay kanyang binibigyang kulay
Ang liwanag na nakabubulag ang siyang magiging gabay.

Ang kakayahang nakamit dulot ng pag-aaral at pagsasanay
Ay hindi sapat na batayan sa tunay na tagumpay
Ito'y nagiging kapakipakinabang at makabuluhan lamang
Kung ang tao ay marunong tumulong at hindi nanlalamang.

Ang basag na salamin kung sa lupa'y ihahagis
Sa ilalim ng araw ay kumikinang ng labis,
Mag-ingat sapagkat ito ay isang bubog lamang,
Nakasusugat at nakalilinlang.

Wednesday, May 9, 2012

Ang Sapatos ni Digrit


Malayang taludturan

Nang ika'y nakita, 

Mata'y lumuwa sa taglay mong ganda.
Ako'y nag-isip-isip kung bibilhin ka,
Walang magawa sapagkat butas ang bulsa.

Thursday, May 3, 2012

Lolo Rizal


PHOTO CREDIT:
http://cherrey.110mb.com/index.php/fort-santiago-intramuros/
Lolo Rizal, kumusta ka na?
Abang lingkod, iyong husgahan at hatulan,
Mabuting masama o masamang mabuti,
Mapagmahal sa wika o mabahong isda?

Lolo Rizal, nasaan ka?
Langit, impyerno, mukhang nag-iisip,
Kung nasa langit, ikaw’y bayani,
Kung nasa impyerno’y nagsusulat pa rin?

Lolo Rizal, matagal na ang nakalipas,
Nang pluma mo'y ginamit sa pagsusulat,
Ngunit ikaw pa rin ang bayaning paborito
Sapagkat ikaw’y sikat, ikaw ang pinili.

Lolo Rizal, kumusta ka?
Matagal nang nakatayo sa bantayog mong ginto.
Lolo Rizal, kumusta ako?
Isang manunulat na naghahanap ng inspirasyon.

Kapag natapos ko na ang Rizal, sana masabi kong tama lang ang RA 1425.
Tignan natin. 

***

Wednesday, May 2, 2012

Lamig ng Gunita


Ipikit ang mata,
Buksan ang gunita,
Bagtasin ang daan
Tungo sa nakaraan-
Walang laman,
Walang maulinig,
Tanging lamig.

***