Wednesday, May 9, 2012

Ang Sapatos ni Digrit


Malayang taludturan

Nang ika'y nakita, 

Mata'y lumuwa sa taglay mong ganda.
Ako'y nag-isip-isip kung bibilhin ka,
Walang magawa sapagkat butas ang bulsa.

Kinapa-kapa itong tangang pitaka,
Laman lamang ay litrato, walang pera.
Nag-isip-isip at napatunganga,
Kung ano ang gagawin upang makuha ka.

Tumagaktak ang pawis,
Dumaloy ang dugo,
Pagsapit ng sahura'y
Isang libong gutay-gutay.

Pumalakpak ang tainga,
Sumayaw ang paa,
Tiyan ay kumulog,
Ikaw ba o pagkabusog.

Walang alinlangan, ika'y ay pinili
'Pagkat gutom ay lumilipas, ika'y hindi.
Maghintay ka lamang, wala na itong atrasan.
Pagkatapos ng mahabang panahon, ika'y mahahagkan.

Abot langit ang tuwa
Nitong abang masaya!
Ikaw rin ay napasakamay
Pwede nang mamatay!


No comments:

Post a Comment