Saturday, March 3, 2012

Ang Mga Pilipinong Hindi Dapat Pakainin


Liwanag…Ngunit dilim ang sumakop sa kanilang mundo.
Dilim…Ngunit liwanag ang ipinagkait sa kanila.

Hindi lahat ng hindi nakakakita ng liwanag ay bulag at hindi lahat ng nakakakita ng liwanag ay nakakakita.

Ito ang isang katotohanang mga mamamayan ay hirap iwasan. Mas pipiliin pa natin ang magpaka-busy-busyhan upang iwasang isangkot ang ating mga sarili sa mga nangyayari sa ating lipunan na kung sana ay nakikilahok tayo sa paglutas ng mga ito ay makakamit natin ang kaginhawaan at kasaganahan. Ngunit sasabihin na naman nating kahit may gawin tayo kung kurakot naman ang mga nasa posisyon. San tayo pupulutin niyan? Ang problema kasi, tayo mismo ay “kurakot” sa ating mga kaparaanan. Nasanay na ba, kaya hindi na kayang alisin o baguhin? Nag-ugat na ba hanggang sa kailaliman ng ating pagkatao na kahit nakikita nang “namamatay” ang kapwa ay ipinagkikibit-balikat na rin para unahin ang sariling kapakinabangan.

Madamot na ba masyado ang ating Diyos para ganito rin ang gawin natin sa ating kapwa? O nawala na ang ating tiwala sa Kanya at tuluyan na nating pinutol ang koneksyon sa kanya?
Lagi na lang ata nating sinisisi ang sistema o kaya’y ang gobyerno sa lahat ng ating paghihirap. Nasisi mo na ba ang iyong sarili na hindi naman ginagawa ang dapat gawin upang makaahon? Nakaupo. Nagmamatyag. Nakatunga-nga. Nakikinig sa radyo. Nanonood. Nagbabasa sa dyaryo o mula sa Internet. Ito kasi ang mas una nating ginagawa o ang alam lang nating gawin. Puro sisi, lagi nalang sisi, sisi ng sisi. Lintik na sisi yan. Baguhin na natin yung ugali nating “puro sisi sa iba ngunit hindi nating kayang sisihin ang ating mga sarili.”
Minsan, itinatawa ko na lang ang aking inis kung may napapanood ako sa TVng mga tao na sinisisi ang gobyerno sa kanilang kahirapan. Wala tayong mairarason. Bakit? Hindi ba natin alam na ilan sa mga nakaaangat na sa ating bansa ay nagsimula sa hirap?

Ito ang tanong, “Paano mo kukunin ang isang bato sampung metro ang layo sa’yo.” Simpleng tanong lang yan. Nasasagot pa nga ng mga bata sa kalye eh. Ano sagot mo? Hindi ba kailangan nating humakbang para kunin iyon? Pero ang tanong na yan ay napalitan na ata at naging ganito, “Paano mo makukuha ang isang bato sampung metro ang layo sa’yo ng hindi ka humahakbang.” Ang hirap naman ata sagutin? Pati scientist ata mababaliw diyan. O kung may naiisip ka man, ano? Iuutos sa iba? Eh ang tanong, paano Mo kukunin. Hindi naman talaga kaya yan eh, dito natin makikita na naghahanap tayo ng mga paraan na hindi naman talaga natin dapat iasa sa IBA. Ang ibig ko lang sabihin ay, ang SARILI natin mismo ang unang hahakbang hindi ang ating kapitbahay para sa atin.

O ano na? May darating pang bukas! Huwag na naman nating sabihing “hindi natin alam kung kailan tayo mamamatay.” ‘Yan na naman. Kung puro ganito, wala na tayong magagawa kasi hindi na tayo gagalaw. Hinihintay natin ang ating kamatayan kasi hindi tayo sigurado kung buhay pa tayo bukas? Gumising na po tayo sa ating imahinasyon.

Masaya ang buhay basta marunong lang tayong gawin ang dapat nating gawin. Ang lahat ng ating ginagawa ay may napapala. Lahat ng pinaghihirapan ay may kasagutan. Lagi lang nating isapamuhay na lahat ng tama sa Kanya kahit man sabihin ng mundo na mali ay tama.
…………
Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, “Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.”
(For even when we were with you, we gave you this rule: “If a man will not work, he shall not eat.”) – 2 Thessalonians 3:10
Tara! Sayaw tayo!
***

This article was also published in Definitely Filipino™ Blog Network:
http://definitelyfilipino.com/blog/2012/02/07/ang-mga-pilipinong-hindi-dapat-pakainin/