Ang hirap pala talaga magkolehiyo lalo na kung malayo sa pamilya.
Isa sa pinakamahirap na parte ng pagiging kolehiyo ay ang mawalay sa pamilya ng ilang mga taon. Wala na ang taga-gising pagsapit ng umaga, wala nang taga-tupi at taga-ayos ng kumot at unan pagkatapos bumangon kahit kaya namang gawin, wala na ang nagluluto ng pagkain alas-singko palang ng umaga, wala na ring tagalaba at tagaplantsa ng damit, wala nang magagalit kung hapon na ang pag-uwi, wala na ring sasabi sa’yo ng ‘Anak, ingat ka,’ sa araw-araw.
Malayo sila, kaya kailangan kong gawin lahat ng ito sa araw-araw.
Mahirap mailayo sa kanila, lalo na kay inay.
Hindi ko man maalala ang pagpapalaki niya sa akin noong ako ay sanggol pa lamang, alam ko kung gaano niya ibinigay ang kaning sarili upang ako lamang ay kanyang maalagaan at mapalaki ng tama. Hindi ko man alam kung paano niya ako kargahin noong bata pa ako, kung paano niya ako paliguan at paano niya ako bantayan bawat saglit upang masigurado lang na maayos ako, alam ko, MAHAL na MAHAL ako ni inay.
Bagamat hindi ko pa siya nakitang lumuha para sa akin, alam kong ipaglalaban niya ako hanggang sa kaya niya. Alam ko ito sapagkat nararamdaman ko iyon. Sa bawat sabi niya ng ingat ka, kumain ka ba, nakauwi ka na ba, kumusta, ramdam ko ang laman ng kayang puso, na ako’y kanyang anak at mahal niya ako.
Si inay ay tahimik lang pero kung tumawa naman ay medyo may kalakasan. Masiyahin at matiyaga, yan si inay. Hindi kailanman matutumbasan ang ginawa niyang hirap at tiis upang mapalaki kaming magkakapatid sa tulong ng aking butihing ama.
The best siya. Kaya hanggat maari, ayaw kong mabigo ko siya. At ayaw kong masaktan ko siya at saktan siya ng iba.
Si inay ang naging coach ko sa aking paglaki. Siya ang nagagalit kung may mali man akong magawa at siya rin ang nagsasabi kung ano ang dapat kong gawin. Malaki ang tiwala ko kay inay kaya kahit man minsan hindi kami magkasundo, paglubog ng araw, hindi pa rin niya matitiis na hindi ako tapikin sa likod.
Alam kong ginalit ko na siya ng ilang beses dahil sa katarantaduhan ko pero hindi niya nakayang pagsabihan ako ng masama. Hindi ko kailanman narinig ang mga katagang naririnig ko sa kapitbahay kung nagagalit ang magulang sa kanyang anak. At hindi pa niya ako sinigawan. Dito ako hangang-hanga kay inay na kahit sobrang galit na siya, hindi niya kayang sigawan ang kanyang anak. Ganito kung paano magmahal si inay.
Siya ang tagatupi ng pinaghigaan. Hindi ko alam sapagkat kahit nang magtapos ako ng hayskul, siya pa rin ang nagliligpit. Tamad ako. Pero sasabihin lang niya, ‘anak, mag-aral ka ng mabuti.’ Kaya lahat naman ng kaya kong ibigay kay inay ay ibinigay ko. Masayang masaya ako sa tuwing sasamahan niya ako sa entablado upang isabit ang medalya sa aking leeg. Sa munting paraan kong iyon, alam kong napasaya ko si inay. Alam kong proud na proud siya sa akin.
Kahit hindi ko man matumbasan ang kanilang hirap, ibibigay ko parin lahat ng aking makakaya upang alagaan sila ngayon at ‘pag ako na ay nakapagtapos at may trabaho na.
………..
Kaya sa lahat ng ginagawa ko ngayon, inaalay ko lahat sa aking pamilya lalong lalo na kay inay. Wala na akong mahihingi pa sa kanila sapagkat ibinigay na lahat iyon ng kanilang pagmamahal. Ang tanging hiling ko na lamang ay bigyan sila ng Nakatataas ng sapat na lakas at maginhawang buhay, na sana, kahit wala ako sa kanilang tabi ay panatag sila at may kasiyahan sa kanilang puso, na sana’y balutin sila ng Kanyang kamay at ilayo sa panganib.
“Honor your father and your mother, that your days may be long in the land that the Lord your God is giving you.” -Exodus 20:12
***
This article was also published in Definitely Filipino™ Blog Network:
http://definitelyfilipino.com/blog/2012/02/16/si-inay/