Monday, August 12, 2013

Anak, Puwede Bang Makisilong Muna

Bumabagyo at ayon sa PAG-ASA, signal number 3 pa rin daw kami. Kagabi lang, ok pa ang lagay ng panahon; hindi pa malakas ang ulan ngunit halatang makulimlim ang kalangitan. Kagabi kasi, marami ang nagrereklamo kung bakit wala naman daw ulan pero signal number 3. Sabi ko naman, madaling araw siguro darating.

Paggising ko ay malakas na ang ulan. Sunod sunod ang pagkulog at tila pumipiyok itong earphone ko dahil sa lakas (all-Backstreet ang pinapatugtog). May kuryente pa at nakapagFacebook pa nga ako. Confirmed ngang wala nang pasok. Buti nalang hindi brownout kasi walang dumating ni isang text mula sa mga kakilala ko.

Ilang minuto pa ay na-enjoy ko pang magTwitter. Na-edit ko pa yung tumplate nitong blog ko at nakapagrehistro pa sa Disqus (Tinanggal ko lang din sapagkat mabagal ang internet, saka nalang siguro). Tinanggal ko na si Intensedebate kasi hindi masyadong compact tignan at hindi kayang magsync sa Blogger ko.

10:30 a.m.

Nagparamdam na ang tiyan ko. Tanging tubig lang ang pwedeng inumin kayahindi ko natiis na hindi lumabas upang bumili ng tinapay at palaman. Nawala nang tuluyan ang kuryente kaya hindi na ako nagbalak pang bumili ng maluluto. Nag hirap pala talaga ng di-kuryente lang ang gamit sa bahay. Kapag brownout na, gutom ang abot mo.

Kahit malakas ang hangin, hindi ako nagdala ng payong man lang o jacket. Sa pagkabalat-kalabaw kong ito, walang talab ang lamig. Di kalaunan ay narating ko ang store, inabot ang bayad at dali-daling umalis.

Pagdating ko sa bungad ay may isang matandang nanginginig sa lamig. Wala si kuya guard kaya nahiya sigurong buksan ang bakal na gate nitong boarding house na tinitirhan ko.

"Anak, puwede bang makisilong muna," sabi ng matanda.

"Oo naman ho, lo," sabay bukas sa gate.

Pinaupo ko siya sa sofa. (May sofa sa first floor, upuan ng mga bisita at ni kuya guard)

"Saan po kayo galing?"

"May pinuntahan lang ako diyan, anak."

"Bakit po mag-isa kayo, may bagyo po ngayon."

"Delikado po sa labas," dagdag ko.

Ginaw na ginaw siya at medyo basa na ang kanyang damit. Sa sobrang alala ko ay dali-dali akong umakyat upang kumuha ng tuyong damit. Kumatok ako sa kabilang kuwarto upang makahingi ng kape. Gusto ko sanang matulog pero sinamahan ko nalang si lolo.

"Saan po kayo nakatira at ano po pala ang pangalan ninyo?" habang inaabot ang kape at damit.

"Rene, anak. Pasensya na sa abala. Bigla ko kasing naisip na bisitahin yung anak ko diyan sa kabilang kanto kaso wala ata sila."

"Ganun po ba? Baka hindi lang kayo narinig."

At sa nalaman ko, naging mala-Maalaala Mo Kaya ang naisip ko. Bigla kong naalala yung mga teleserye na itinakwil ng mga anak yung tatay o nanay nila. Hindi naman malayo kasi na mangyari sa totoong buhay, sabi ko sa sarili ko.

Bago pa man tuluyang lumamig ang kape ay hinayaan ko munang ubusin ni lolo ang iniinom nito. Baka kapag nagtanong pa ako, humaba lang ang usapan.

Nakalimutan kong may tinapay pala ako sa taas. Inalok ko siya ngunit tumanggi at hindi ko na pinilit pa.

Humina ang ulan at nagpasya na siyang umalis.

"San na po kayo pupunta lo?"

"Uuwi na siguro ako sa amin."

"Lo, subukan kaya ulit nating puntahan yung bahay ng anak niyo. Baka hindi lang po kayo narinig o napansin sa lakas ng ulan."

Napilitang umoo si lolo Rene kasunod ng akbay ko sa kanya. Itinuro niya ang daan at ramdam kong nagbabakasakali rin siya.

Pilit iwinawasiwas ng hangin ang aming payong kaya binilisan namin ang paglalakad. Pagkarating sa lugar ay agad-agad kong kinatok ang pintuan ng bahay. Walang sumagot at wala rin akong narinig na ingay sa loob. Sinubukan kong muli at nilakasan nang biglang may mga yapak sa sahig.

"Ano po iyon?" sabi ng mama katabi ang isang bata.

Napasarap ata ang tulog nila at mistulang kagigising lang nila. (Hindi kaya nagising ko sila?)

"Si lolo Rene po."

Nakita ng mama at ng bata ang matanda sa likuran ko. Nagulat sila. Pinapasok kami at niyakap ng kanyang apo si lolo.

Kinuwento ko ang nangyari sa matanda.

"Kami ang bumibisita sa kanya kasi ayaw naming bumyahe pa siya. Alam mo na, mahina na ang kanilang katawan."

Gumaan ang pakiramdam ko. Akala ko kasi, may hindi maganda sa relasyon ng mag-anak kay lolo Rene. 'Yun pala, gusto lang talaga ni lolo na surpresahin ang apo at ang kanyang anak.

Hindi nagtagal ay nagpaalam na rin ako.
***

photo from Shootandpost.

No comments:

Post a Comment