Ang Kalye Lili ang
sadyang napakakipot, kurbado ang hugis at isang dead end. Ang mga bahay ay
halos dikit-dikit kaya kapag may humihilik sa isang bahay ay rinig ng buong
lugar. Hindi na kata-taka na halos lahat ng mga naninirahan dito ay kilala ang
isa't isa: boses, utot, oras ng pagtsitsismisan, bahay kung saan
nanggagaling ang masangsang na amoy at saan o kanino hihiram ng gamit. Pero kahit gaano kagulo ang kalyeng
ito, may respeto sila sa isa't isa, at ang lahat ng problema ay kanilang dinudulog
sa kanilang punong baranggay.
Isang araw, may
napadpad na estranghero sa kanilang lugar at kanilang inanyayahan sa masikip
nilang kalye. Pinakain ng tuyo, tinapa, at itlog at binigyan ng isang
mapagpapahingahang kuwarto. Hindi kilala ang sarili at nakalimutan narin kung
ano ang pangalan. Ang alam lang niya ay galing siya sa Ilocos. Kaya naman kahit
mahirap sa parte ng mga tao ng Kalye Lili ay ibinigay nila kung ano ang kaya
nilang maibigay sa estranghero. Isang linggo din ang lumipas nang biglang
mawala ito.
Usap-usapan ng mga tao
ang bigla nitong pagkawala. Ang ilan ay nagsasabing umalis ito alas-tres ng
umaga ng Sabado. Ngunit hindi talaga nila alam kung totoo nga ito. Bumalik muli
ang ikot ng kalye. Nakalimutan ang estrangherong napadpad sa lugar nila.
Malayo sa bayan ang
kalyeng ito. May maliit na palengke at isang masikip na palaruan. Ngunit may
schedule ang paggamit dito. Bawat Sabado at Linggo ay nagkikitakita ang mga
basketbolero. Ang mga nalalabing araw pa ay para sa mga nagbabadminton at iba't
iba pang aktibidades ng lugar. Matagal nang pangarap ng kalye na bilhin ang
isang masukal na lote malapit sa kanila upang mapagtamnan at mapagpatayuan pa
ng ilang mga bahay. Ngunit walang pera ang Kalye.
Kahit simple lang ang
pamumuhay nila. Gusto nilang magkaroon ng mapagtatamnan ng mga gulay dahil
makatutulong ito ng malaki sa bawat pamilyang naroon. Mayrooon ngang iniaabot
na tulong ng gobyerno ngunit wala naman silang loteng gagamitin.
Ilang mga buwan ang nagdaan, ang mga mag-aaral ay magtatapos nitong Marso. Summer na nga at ang mga tao ay naghahanap na ng mga mapagkakakitaan. Ang balita ay mabilis na kumalat na ang loteng pinapangarap nilang mabili ay nabili na ng isang businessman. Malungkot na mga mukha ang nagsilitawan at malaking panghihinayang ang makikita sa mga mukhang ito.
“Owner: Benjamin D.
Gaston CPA,” ang nakapaskil sa bungad ng lote. Kitang kita ito ng buong kalye
araw-araw, at unti-unti itong kumukurot sa kanila.
Hindi nagtagal ay
nagsimula nang ipatayo ang isang napakalaking bahay. Apartment type at tila
papaupahan ito. Bawat ingay mula sa kontraksyon ay dinig ng mga tao at ito ay
unti-unti paring kumukurot sa kanila.
Ngunit wala sa kanila
ang nakakita man lang ng pagbisita ng may-ari ng bahay. Ang tanging alam lang
ng mga tao ay isa siyang mayamang businessman. Anila, wala itong pakialam sa
buhay ng mga nakatira sa Kalye Lili.
Sa umpisa ng Hulyo ay natapos nga ang
pagpapatayo ng bahay. Kitang-kita ng mga mamamayan ng Kalye ang laki ng bahay
na iyon. Nasa imahinasyon pa rin nila na balang araw ay maging kanila ito,
ngunit hindi na kailanman matutupad.
Hulyo rin ng taong
iyon nang may bisitang kumatok sa bahay ng punong barangay. Bihis mayaman, nakakurbata
at may mamahaling sasakyan. May hawak itong attache case. Halatadong isang
abogado o isang taong may mataas na pinag-araln. Tarantang pinagbuksan ng
kapitan ang bisita at pinaunlakang pumasok sa kanilang maliit na bahay.
Nagtatanong ang isip
ng mga tao, at kinakabahan. Mas kabado pa sila sa kanilang kapitan na nakikipag-usap
sa bisita. Malaki ang ngiti ng bisita na pinagtatakahan ng mga taong nakiki-osyoso
at nagkukumpulan sa labas. Excited na excited na malaman kung ano ang pakay ng bisita
na mabilis nilang sinang-ayunan na abogado nga ito.
Iniabot niya ang isang
envelop na naglalaman ng kasulatan ng transfer of ownership ng lote at bahay na
binili at pinatayo niya. Siya si Mr. Gaston, ang estrangherong napadpad sa
kanila ilang buwan na ang nakalipas. Ibinigay niya ang loteng iyon bilang
pasasalamat sa kagandahang-loob na ibinigay ng mga tao ng Kalye.
Hindi makapaniwala ang
kapitan. Niyakap niya ng mahigpit si Mr. Gaston at nagpasalamat.
Mabilis na namang
kumalat ang balitang ito at ang lahat ay masayang-masaya sa natanggap na
regalo. Lumipat silang lahat sa bahay na iyon, at ginawang taniman ang natitira
pang lote sa tabi nito. Ang barong
barong at ilang kabahayan ay kanilang giniba at ginawang taniman din.
***
Ito ang aking opisyal na lahok sa Saranggola Blog Awards 5.


No comments:
Post a Comment