Isang normal na gawain ng mga isang estudyante na kapag walang maluto o tinatamad magluto ay tatakbo nalang sa kainan. May budget meal kaya hindi mabigat sa bulsa at siguradong mabubusog dahil may sabaw pa. At tiyak na mas marami ang ibibigay sa'yo kung suki ka na nila. Samahan mo na ng kaunting kuwento para siguradong makukuha mo ang pakiramdam nila.
Nasa isang karinderya ako ng gabing iyon at kinakain ang paborito kong meal. Maganda ang mood ko ngunit nagmamadali dahil marami pang kailangang tapusin at kailangang basahin. Hindi ko na pinansin pa ang palabas sa telebisyon at minadali ang pagkain.
Sa kabilang mesa ay may isang ale kasama ang kanyang anak na kapwa ko mag-aaral din. Alam ko dahil minsan ay naging kaklase ko siya sa isang subject. Nag-order sila at nagsimulang mag-usap.
"Kailan ka gragraduate anak?"
"Hindi pa ngayong taon ma."
May takot siyang naramdaman sapagkat ang alam ng mga magulang niya na matatapos na siya nitong taong ito.
"Akala ko ba last mo na to?"
"Hindi pa ma."
"Eh, di dapat sinabi mo na ng maaga."
"Ang alam ng ate mo, gragraduate ka na. Kaya sabi ko sakanya, kaunting tiis nalang."
Iniiikot-ikot ng anak ang cellphone at nakayuko.
"Maraming gastusin yung ate mo. Pero naki-usap ako na kung maari tumulong kasi nga gragraduate ka na," paliwanag ng ale. "Dala ko yung perang kakailanganin mo ngayong sem na ito."
Nahihiya na ang anak, kaya hindi ito makasagot-sagot. Pero naglakas loob rin itong magpaliwanag din.
"Ma, marami pa akong kailangang kunin na subjects. Bagsak ko yung iba."
Ay naku po. Tumingin ang magulang sa anak at pinili nalang na umpisihan ang pagkaing kanilang inorder. Hindi ko na hinintay pa na matapos sila. Inaabot ko ang bayad ko sa kahera at tumuloy sa boarding house.
~
Sa buhay kolehiyo, madaming pasiko-sikot at bawat liko ay maraming kuwento at pagsubok, ngunit ang sayangin ang mga bagay na pinaghirapan ng ibang tao ay isang pagkakamali. Oo, minsan may mga pagkakataon talaga na babagsak tayo sa isang subject ngunit hindi naman ata pwede na ibagsak mo ang isang subject dahil hindi ka nagbigay ng interest at panahon. Yung isinakripisyo mo ang panahon ng pag-aaral sa mga bagay na hindi naman ganoon kahalaga. Ang gusto lang naman nila (magulang natin) ay matapos ang pag-aaral natin at bigyang halaga ang lahat ng binibigay nila. Estudyante tayo kaya naman, alam na dapat natin kung ano yung prority natin, hindi ba?
Sa mga kapwa ko estudyanteng lumalaban, pagpalain nawa kayo ng Maykapal. Sa mga estudyante namang tinatamad mag-aral, gumising ka.

No comments:
Post a Comment